Ang Nalalabi Rito | Nikka Osorio

Mabibilang ang mga tulad ko
na tinitiis ang lamig
sa pamamalagi rito.

Hubad ang mga puno.
Ang mga tao, hindi mapigilan
ang pagmamadali.
Nanunuot sa laman ang lamig.

Ang niyebe, kumot na nagpatahimik
sa lahat ng ibang kulay—
itim at puti ang paligid.

Mukhang matingkad ang itim
ng mga puno kapag ganitong
naliligiran ng namamayaning puti.

May tagak sa mga puno
at albatros malapit sa Danube.

Sa kalawakan ng parke
may mga rebulto.
Sa ibaba ng mga ito,
malawak na espasyo
na tinirikan ng isang pakiusap:

     Bitte Vorsicht!
     Hier schlafen
     Blumenzwibeln

Kakaibang pagtingin sa kawalan.
“May mga bulaklak
na natutulog dito”

Kakatuwang pagtingin sa wala rito ngayon,
sa hinihintay, sa tiyak na darating.

Marahil, paalala ito sa mga tulad kong
panandaliang naririto at maaaring
hindi masaksihan ang inaasahang
pamumukadkad.

Mga tulad ko
na aabot lamang
sa ganitong tila pag-aalay

ng alaala ng wala pa roon
sa alaala ng wala na roon.

Advertisements

Painted Bird* | Nikka Osorio

Nang buksan ang hawla,
hindi umiimik ang makulay na ibon.
Kinailangan pang bugawin siya
palabas.

Bahagya niyang ikinampay
ang mabibigat na pakpak
bago tuluyang sumalimbad.

Muli, sabik siyang lumipad
patungo sa mga dating katulad

at nagulat sa kanilang
pagsalubong: matutulis na tukang
tumungkab sa estrangherong kulay.

Sa pandinig ng mga dumakip,
bitak-bitak ang awit ng pinalaya.

Dumami ang mga ibong
sumalakay sa kaniya. Pinalilibutan siya.
At sa malayo, nangingibabaw ang iisang kulay
ng kanilang mga balahibo.

Nilakasan niya ang pag-awit
(waring umaasa na makilala pa
ang kaniyang tinig)

ngunit patuloy sila sa pagpunit
sa kaniyang laman.

Sa paningin ng mga nagpalaya,
kinukulayan siyang muli.

 

*Pagkatapos ni Jerzy Kosinski