Kuwatro Kantos | Kevin Moses Bautista

 

I.

Ano pa bang dapat pagtalunan sa ilalim ng kisameng butas-butas at hindi matapos-tapos na paglilimas sa baha? Lumalangoy ang mga liham at aklat sa trahedya ng araw-gabi. Sa bawat hakbang masasagi ang mga alupihan at sinelas at mga letrang nalinsag sa kanilang mga pahina.

Bakas sa mga titik ang mismong tiklop ng mga papel at resibong pananda. Kumakapit ang mga titik sa tuhod, gumagapang sa buong katawan at humihimulmol sa balat.

Bibigay na ang kapit ng mga sipit sa hagupit at sipol ng hanging nagngingitngit.

 

II.

Ito nga pala ang susing hindi mahanap-hanap at ito naman ang singsing na napagkatuwaan sa Divisoria. Mga nakapampalaboy na nasalanta’t nakaligtaan, ampiyas ng isang ulang hinalughog ang lahat. Sa paggising

sa susunod na umaga, tatambad ang abot-tuhod na baha, ang irit ng pintong bukas-sara at ng kama sa bawat paghiga.

Kasinungalingan ang kiliti ng ulan sa balat at pandinig.

 

III.

Hindi maiiwasang ipagtabi ang ngayon sa kahapon sa pagkapatung-patong ng mga gamit. Ang hinagpis dito, putangina doon.

Sa pagpapakawala ng Angat ay ang pagsuko ng mga bakasakali. Handa na ang mga banig kung saan ilalatag ang mga agaw-buhay at hapo, itala man ang mga kalansay at mga ari-ariang nakulimbat ng bagyo.

 

IV.

Patunayan mong ang mga resibong pananda, ang nangingitim na singsing mula Divisoria ay may pinatatandaan.

Noon ang sabi mo’y ito ang magsasaad ng araw na kailanma’y hindi malilimutan, na ang pelikula’y hindi lang pelikula, at ikaw ay hindi lang ikaw.

 

Unang nailathala sa Puwang: Koleksyon ng Tula 2010 sa pamamatnugot nina Kevin Moses Bautista, Maria Ana Fajardo, Katherine Gonzales, at Kenneth Roy Sentillas, sa patnubay ni Carlos M. Piocos III

Advertisements


. . .

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s