Ma, Hindi Ako Gagradweyt | Mailan Falculan

MGA TAUHAN

MAMA, isang simpleng maybahay sa isang probinsiya

ATE, panganay na anak ni Mama na nag-aaral ng kolehiyo sa lungsod

Sa kusina ng bahay ng pamilya nina Mama at Ate sa probinsiya. Payak lamang ang bahay at napapalamutian ng mga “pamprobinsiyang” kasangkapan sa pagluluto. May orasan sa dinding––halos alassais na ng hapon. Nagluluto si Mama. Papasok si Ate, may dalang mga bag.

ATE

Ma.

MAMA

O, Ate! Ba’t nandito ka? Wala ka bang pasok ngayon? Anong araw ba ngayon? Ang payat-payat mo na! Ano, kumusta?

ATE

Ma. Asan si Papa? Nasa trabaho? E Huwebes ngayon a. Day-off nya. (Uupo)

MAMA

(Babalik sa pagluluto) E kasi, yung kaibigan ng pinsan ni Aling Tasing, yung katabi natin dati sa palengke, yung anak e kalaro mo dati noong bata ka, mga hubo pa nga kayong naliligo sa baha, naisakay ng Papa mo noong isang linggo sa traysikel, e kailangan daw ng drayber kasi mamanhikan yung ate ng kaibigan ng pinsan ni Aling Tasing sa Cavite. Taga-Cavite yung babae. Hayun, nasa Cavite ang Papa mo. Syempre pinatos niya yung trabaho. Gagradweyt na kasi ang panganay niya sa isang buwan e. Uuuy! Sa wakas!

ATE

Ma, nagugutom na ako. Anong ulam? Nakakapagod ang byahe. Ang haba.

MAMA

Eto, gulay lang. Hindi ko nga alam kung anong luto ‘to. Alam mo naman ako, pa-tsam, patsamba-tsamba! (Hahalakhak) Hindi ka naman kasi nagpasabi na uuwi ka. E di sana nakabili ako ng dugo sa palengke para nakapagluto ako ng paborito mong dinuguang puso ng saging. Pero syempre, Ate, kapag nagkatrabaho ka na, puro karne ka na araw-araw. Ikaw pa! Kumusta nga pala ang tisis? Sinindak ka ba nung panel mo? Anong sabi nila? Kwentuhan mo ‘ko!

ATE

Nagugutom na talaga ako, Ma. Hindi pa ba luto? (Titingin sa orasang nasa dingding) Lampas alas singko na a. Dapat uwian na nina Jeanie a. Nasa lakwatsahan na naman? Sina Bobet at Cris, nasa dotahan naman? Parang ang dami nating pera a.

MAMA

Naku, napagalitan na ang mga yon ng Papa mo maraming beses na. Nasabihan ko na rin, ayaw makinig. Pero ang sabi ng Papa mo, kailangan nasa bahay sila bago sya dumating kung hindi makakatikim sila, kung sino ang dumating nang leyt. Ay, bahala sila sa Papa mo! Alam mo na, napapabarkada. Pir preysyor. Pero hindi naman sila humihingi sa akin. Ipon nila yon. Sabi nga pala namin ng Papa mo, sabay na ang handa ninyo ni Jeanie para tipid. Ate, pagtulungan sana natin si Jeanie pag may trabaho ka na. Ang gusto raw ay narsing e.

ATE

Ma. Hindi po ako gagradweyt.

MAMA

(Matitigilan; sadyang hindi papansinin si Ate, ngunit halatang lubhang nasaktan; pipiliting manatiling masaya) Mm, ang bango! Buti na lang sariwa ang gulay. Naku, ang sarap-sarap nito panigurado! Ate, luto na ang ulam. Ipaghahain na kita.

ATE

Ma, hirap na hirap talaga ako sa tisis. Gusto ko naman maganda ang tisis ko. Ma, dalawang sem pa. Sa October, pramis––

MAMA

Asan na nga kaya sina Jeanie? (Titingin sa orasan sa dingding) Aba, mag-a-alassais na. Ambilis ata. Baka maagang dumating ang Papa mo. Malay ba natin. Maya-maya, andyan na yon.

ATE

Pero Ma, maghahanap na ako ng trabaho. Magtatrabaho ako habang nagtitisis.

MAMA

*REWIND. Maaaring bagtasin ng mga tauhan pabalik ang kanilang mga kilos gaya sa mga pelikula kapag rini-rewind. Maaaring ipatay-sindi ang mga ilaw habang ginagawa nila ito. Maaari ring samahan ng tunog.

ATE

Ma. Hindi po ako gagradweyt.

MAMA

Bakit? May binagsak ka bang subject? Nagkaproblema ba yung tisis mo? Gusto mo lumuwas kami ni Papa mo bukas na bukas din? Kakausapin namin yung prop mo.

ATE

Hindi, Ma. Maayos ang lahat. Kinakailangan na ako ngayon sa Mundo ng mga Engkanto.

MAMA

Wag kang magsalita ng ganyan, Ate. Tinatakot mo ako.

ATE

Mas nakakatakot ka, Ma. Paano nyo naitago sa akin ang pagiging engkanto ko? Ang pagiging engkanto mo? Habang pinagtutulungan ako sa eskwelahan, kinukutya buong buhay ko, yon pala tagapagmana ako ng trono sa Mundo ng mga Engkanto! Sinasamba ako don, Ma! Magiging reyna ako don!

MAMA

Gusto ko lang ng tahimik na buhay. Ng ordinaryong buhay. Nandito sa lupa ang puso ng Papa mo. Nasa Papa mo ang puso ko. Ate, masaya naman tayo dito sa lupa, di ba?

ATE

Ma, kailangan tayo sa Mundo ng mga Engkanto. Higit kailan man. Nagkakagulo na don, at kung hindi tayo kikilos, baka magunaw ang Mundo ng mga Engkanto bukas makalawa. Masisira ang balanse ng mundo. Maski ang mga tao sa lupa ay mamamatay din pag naglaon. Wala nang ibang paraan kundi makipaglaban, ang sumama sa digmaan.

MAMA

(Magmumuni-muni) Sanggol ka pa lang iniwas na kita sa tadhana mong ito, inilayo mula sa Mundo ng mga Engkanto nang hindi ka masangkot, ngunit sadyang hindi matakasan ang siyang nakatakada. Ikaw na mismo ang umaayon sa propesiya. Wala na akong magagawa.

ATE

Halika na, Ma. Hinihintay na tayo ni Lolo sa may puno ng balite. Wala na tayong oras.

MAMA

Ate, tao na ako. Wala na akong kapangyarihan. Hindi na kita masasamahan, patawad. Ngunit hindi rin kong magagawang pigilan ka. Tadhana mo yan, Ate. Ang magagawa ko lang ay hintayin ang pagbabalik mo at ipagdasal ang kaligtasan mo. Uwash’kna. Pagpalain ka nawa ng mga espiritu, Anak. Uwash’kna

*REWIND

ATE

Ma. Hindi po ako gagradweyt.

MAMA

(Magagalit; susugurin si ATE at sasampalin; iiyak) Anong gusto mo, papakainin ka na lang namin habambuhay ng Papa mo?! Bubuhayin na lang namin kayo magkakapatid?! Hindi ka man lang naawa sa amin!

ATE

(Iiyak) Ma, buntis ako. Nasa labas po si Roni at ang mga magulang nya. Mamanhikan na po sila.

MAMA

(Hahagulgol) Putangina mo! Putangina mo! Putangina mo!

*REWIND. Nagluluto si Ate sa kusina. Papasok si Mama nang may dalang mga bag.

MAMA

O, Ate. Kamusta? Bango a. Anong ulam?

ATE

Ma! Hindi pa bakasyon a. Ba’t andito ka na sa atin? M-May problema ba?

MAMA

(Maghahain na) Hindi naman sya masyadong problema, Ate. Ano, kalahati lang. Bale, yung okay na kalahati, yung hindi sya masyadong problema, para lang sa akin yon. Yung medyo hindi magandang kalahati––

ATE

(Gigil) Ma! Umamin ka na! Ano ba talaga?

MAMA

Ate, hindi ako gagradweyt. O. Wag ka nang umimik. Wag ngayon, Ate. Pagod na pagod ako sa byahe at gutom na gutom na ako. Alam ko na ang sasabihin mo. Hindi mo na kailangang ipamukha sa mukha ko. Oo na. Putangina kong ina. Anong klase ako? Lumayas ako! Lumayas ako! Heto na, lalayas na. Pakain muna. Gutom na gutom lang talaga ako.

*REWIND

MAMA

Ate, hindi ako gagradweyt.

ATE

Pero, Ma! Ano ka ba? Isinangla natin ang kakapiranggot nating lupa makapagtapos lang kayo ng pag-aaral! Yung kalabaw nating si Pepot, hustong naibenta pa natin makapag-OJT ka lang. Kandakuba na ako sa kakatanggap ng labada. Naipamalita na sa buong barangay na gagradweyt na kayo. Anong ginawa nyo! Tingnan nyo kung anong ginawa nyo! (Lumuluha)

MAMA

Nakakatamad na’ng mag-aral, Ate e. Saka hindi ko gusto ang sistema nila. Masyadong nakakahon ang pagkatuto sa paraan ng pagtuturo nila. Natututunan mo naman talaga sa labas ng paaralan ang pinakamahahalagang mga bagay sa buhay. Yung mga tinturo nila? Maniwala akong magagamit mo ang mga yon pag nagtatrabaho ka na. Papel lang ang diploma, Ate.

ATE

Pero, Ma!

MAMA

Walang ‘pero’, Ate. Sigurado ako. Hindi ko na lang sinasabi sa inyo pero matagal na akong tumigil sa pag-aaral. Simula pa lang ng sem. Pero hindi ko nilustay yung pang-tuition na binigay nyo sa akin ngpapa mo. Ipinangnegosyo ko. At malago na ang negosyo ko, Ate. Kayang kaya kong pag-aralin sina Jeanie hanggang makatapos. At kung suswertihin pa, ipagdasal mo, Ate, hindi ko na kayo pagtatrabahuhin ngpapa mo. Pabakasyon-bakasyon na lang kayo sa Boracay. O sa Disneyland. Di ba gusto nyo pumunta ni Papa mo sa Disneyland?

ATE

At ano namang negosyo ‘to, Ma?

MAMA

Social-networking site!

ATE

Social-networking site? Ano yon?

*REWIND. Maaaring lumamlam ang mga ilaw, mala-chiaroscuro––naglalabang liwanag at dilim.

ATE

(Malungkot) Ma. Hindi po ako gagradweyt.

MAMA

(Matitigilan) Ano bang pinagsasasabi mo? Matagal ka nang gradweyt, Ate! Di ba nasa Singapore ka na at nagtatrabaho!

ATE

(Unti-unting umaatras palayo) Ma, alagaan nyo po si Papa. Pakisabi, mag-iingat siya lagi sa daan. Kayo na rin po bahala sa mga kapatid ko. Pakisabi kay Bobet, hindi ko na sya naibili ng laptop. Pasensya na kamo.

MAMA

Ate, san ka pupunta?

ATE

Sa malayong-malayo, Ma. Pero pwede ninyong tingnan sa dingding. Nakasemento.

MAMA

Kumusta sa Singapore? Siguro maalwan na ang buhay mo don.

ATE

Huwag ninyong kakalimutan ang dingding. (Dahan-dahan, palabas ng entablado.)

MAMA

(Iiyak; hahabulin si Ate) Ate! Ate! Umuwi ka na sa atin! San ka pupunta? Umuwi na tayo!

ATE

Mahal na mahal ko kayong lahat. Pakisabi kina Papa at sa mga kapatid ko.

*REWIND. Nagluluto si Mama sa kusina. Papasok si Ate, may dalang mga bag.

ATE

Ma.

MAMA

O, Ate! Ba’t nandito ka? Wala ka bang pasok ngayon? Anong araw ba ngayon? Ang payat-payat mo na! Ano, kumusta?

ATE

Ma. Hindi ako gagradweyt.

MAMA

Ano bang sinasabi mo, Ate? Gagradweyt ka, syempre.

ATE

(Iiyak) Ma. Ginawa ko na ang lahat. Nagpa-kwarto na ako pero, niloko niya lang ako. Ibinagsak pa rin ako ng prof ko. I’m sorry. Ma, anong gagawin ko? Magsusumbong ba tayo?

MAMA

Huwag kang magbiro ng ganyan, Ate. Gagradweyt ka. Maniwala ka.

ATE

(Hahagulgol) Ma… Ma… Hindi na ata talaga ako makakagradweyt.

MAMA

(Biglang susugurin si Ate, galit na galit; sasabunutan) Gagradweyt ka o hindi?! Ha?! Ha?! Gagradweyt ka?! Gagradweyt ka?! Di ba gagradweyt ka?! Sabihin mong gagradweyt ka! Sabihin mo!

Mamamatay lahat ng ilaw. Pagkatapos ng ilang saglit, dahan-dahang liliwanag muli. Makikita ang bangkay ni Ate na nakaupo at naka-toga, duguan.

MAMA

(Sasabitan ng garland si Ate) Congratulations, Ate. Hayan, graduate ka na. Mama loves you.

Advertisements

One Comment on “Ma, Hindi Ako Gagradweyt | Mailan Falculan”

  1. Jineenai says:

    Napakaganda! Nabuhay muli ang puso.


. . .

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s