FEBRUARY 2012

Advertisements

Ang Bisita | Hilda Nartea

Nakatanghod ang biyuda sa harap ng kabaong nang dumating isang dapithapon ang di-naimbitahang bisita. Dirediretso itong tumuloy sa maliit na dampa: walang ni-ha, ni-ho, walang pagbati ng magandang hapon o banayad na tango, hindi nagtanggal ng salakot o nagpagpag ng putikang sapatos, hindi man lamang sumaglit upang mag-antala ng krus. Dirediretsong tila lapastangan o walang modo: huminto lamang sa harap ng biyuda, humalik ng marahan sa nakayuko nitong noo.

“Di kita inanyayahan o napaghandaan; gayunpama’y inaasahan ko ang iyong pagdaan,” anang biyuda, habang pinagsisilbihan ng kape ang bisita: sa may pingas na tasa, walang gatas, walang asukal, itim, madilim.

Kung sumagi man sa isip ng biyuda na ipagtabuyan ang bagong-dating, agad namang naiwaglit ang balak. Dahil kahit papaano’y pamilyar din naman sila sa isa’t isa. Ilang ulit na itong nakisalo sa aba nilang kusina o pumagitna sa tabi nilang mag-asawa sa kama. Nagkakilala na sila, noong walang tigil na sumuka ng dugo ang kanyang bunso, nagkita nang unang ibinalita ng asawa ang welga sa pabrika, nagkatabi sa isa ring burol tulad nito, wala pang isang buwan ang nakaraan, sila-sila rin ang nagkita-kita.

Sa gayo’y masasabing mabuti naman ang naging pagharap sa kanya ng biyuda: ginunita ang masasayang alaala sa piling ng asawa, inisa-isa kung sinu-sino ang nakiramay, dinetalye ang karumal-dumal na salaysay ng pagpaslang. Nang ideklara ng bisita ang pasyang doon na magpapalipas ng gabi ay walang pag-aatubiling inilabas ng biyuda ang isa pang kumot sa tabi ng kanyang ulunan. Bandang alas dos nang sila’y magtalik, ngunit matapos nito’y agad ring nagbihis ang biyuda, nagsuklay, nagwalis ng bahay.

“Makakaalis ka na,” sinabi niya sa nahihimbing na bisita sa kanyang kama.

Malayo pa ang bukang liwayway ngunit marami pa ang gawain. Mag-init ng tubig sa kalan. Maglinis ng bahay, paliguan ang mga bata, diligan ang mga tanim, asikasuhin ang libing, katayin ang nag-iisang manok na ititinola upang isilbi sa mga magsisidalo ng huling misa. Maya-maya pa sisikat ang araw ngunit alam niyang marami-rami rin ang iniwan ng kanyang asawa, oo’t naantala siya nang pansamantala ngunit ngayon—oras na.

Habang ginigilitan ang leeg ng manok at pinapanood ang dugo nitong tumutulo sa nabibitak na lupa, naisip niyang hindi ganito ang paraan upang mamatay, walang imik, tahimik, tila nagpapaumanhin pa sa abala.

Sa gilid ng kanyang mga mata’y nakita niyang humahakbang na ang bumisitang lumbay palabas ng kanyang bakuran, ngunit hindi,

hindi na niya ito hinatid pa ng tanaw.

Unang nailathala noong 13 Pebrero 2006 sa jumpcut


Ang Nalalabi Rito | Nikka Osorio

Mabibilang ang mga tulad ko
na tinitiis ang lamig
sa pamamalagi rito.

Hubad ang mga puno.
Ang mga tao, hindi mapigilan
ang pagmamadali.
Nanunuot sa laman ang lamig.

Ang niyebe, kumot na nagpatahimik
sa lahat ng ibang kulay—
itim at puti ang paligid.

Mukhang matingkad ang itim
ng mga puno kapag ganitong
naliligiran ng namamayaning puti.

May tagak sa mga puno
at albatros malapit sa Danube.

Sa kalawakan ng parke
may mga rebulto.
Sa ibaba ng mga ito,
malawak na espasyo
na tinirikan ng isang pakiusap:

     Bitte Vorsicht!
     Hier schlafen
     Blumenzwibeln

Kakaibang pagtingin sa kawalan.
“May mga bulaklak
na natutulog dito”

Kakatuwang pagtingin sa wala rito ngayon,
sa hinihintay, sa tiyak na darating.

Marahil, paalala ito sa mga tulad kong
panandaliang naririto at maaaring
hindi masaksihan ang inaasahang
pamumukadkad.

Mga tulad ko
na aabot lamang
sa ganitong tila pag-aalay

ng alaala ng wala pa roon
sa alaala ng wala na roon.


Ang Pagitan | Carlos M. Piocos III

I.
Ganito iyon: Kung makikinig ka nang mabuti,
mauulinigan mo ang aking alingawngaw na parang hanging
umuuwi sa kabilang pampang, hampas ng tubig sa malalaking bato,
o tinig na humihingi ng saklolo mula sa pinakailalim ng bangin.

Kapag inilapit mo pa ang iyong tainga,
baka marinig mo ang paggaralgal ng aking boses
na parang hinahalong inumin sa loob ng pitsel, nanlalagkit sa gasgas
ng pagkaaligamgam at duro ng mapaglarong dilang-kutsara.

Kapag lumapit ka pa, sige, halika
lumapit ka pa, mawawala ang tunog, garalgal, gasgas
at sagasa ng mga salita mula sa aking bibig patungo sa iyong tainga.
Sapagkat hahalikan kita at saka mo pakinggan
ang mga sinusukat mong akala.

II.
Ganito iyon: kung lalayo ka ng tatlong hakbang
mula sa aking kinauupuan, magkakaroon ng mesa
at puting-puting mantel at sabihin na nating may mataas na kandila
sa pagitan natin. Sinisigurado ko na hindi kita papasuin.

Kung lalayo ka pa ng sampung hakbang
maaapakan mo ang basag na pinggan sa sahig
ngunit tulad ng maraming lumang pelikula, wala kang maririnig
na tunog ng pagkawasak, kahit ang iyong hiyaw sa hapdi sa sugat
ay magiging mga salitang sinakmal ng saknong sa ilalim ng eksena:
Sumigaw ang Lalaki.

Kung lalayo ka pa ng limampung dipa,
nasa labas ka na ng bahay na pinanglaw ng dilaw na dilaw na ilaw,
iisipin mo kung tama bang pitasin pa ang rosas sa hardin
ngunit magdadalawang-isip ka, katulad ng maraming pagdadalawang-
isip, kung tutuloy ka pa bang pumasok, sapagkat patay ang ilaw,
dilaw na dilaw at napakadilim ng bahay

Kung lalayo ka ng isandaang hakbang
nakaupo ka na sa loob ng bus, sa iyong kanan
ay ang bintana: ang kalsada, ang lungsod, ang gabi,
ang mga tala at pagkaantala. Sa iyong harap, isang pagod na konduktor,
ipinamasaheng pagkakataon at isinukling pagkaligta.

Kung lalayo ka pa ng ilang kilometro, isang milya,
Tutunog ang katabi mong telepono sa loob ng opisina,
at sa ganito kalayong distansiya, ibubulong ko kung
natatandaan mo pa ba ang pangalan ko?

Mula sa koleksiyong Corpus na nagkamit ng unang gantimpala sa tula sa 57th Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 2007; nailathala noong 2008 sa Likhaan: The Journal of Contemporary Philippine Literature at kabilang sa unang aklat ng may-akda na inilimbag ng University of Sto. Tomas Publishing House nitong 2010


Legend | Ellaine Beronio

It’s as if overnight                                                                                                                     The mountain grew
Prim. At dawn
Workers found it
Cloaked in clouds,
Fog lace draped over
Its breasts, a white
Sash declaring
Something’s concealed.

But he doesn’t need
Hiding, her husband
No one has seen
In almost two days,
His foot broken, or
A part of him pierced,
The blood
A trickle of liquid
On that surge of earth,
The whole length
Of him a reed
Among the aged trees.


Studio | Michael Balili

Edward Hopper, Office By Night (1945)

  • The secretary pushed the steel file cabinet onto the man and it crushed his torso.

  • So many silences until the typewriter couldn’t take it anymore and keyed-in a word by itself: Dear.

  • This is a prelude to Chagall’s Over the Village. Notice the prepared window.

  • She is pretending to search for a poem, he pretending to read one. How could they believe a kiss to be just a kiss and nothing else?

  • It is already late but he still hasn’t noticed her new zinc blue satin dress.


[Mula sa in-situ] | LJ Raza